Hinga by Davey Langit [Lyric Video]


Isang kwentong Pilipino sa gitna nitong delubyong pandemya. Bahagi din po ng M-FLix 2021: Da Pinoy Pandemic Palabas. Sana po ay maibigan ninyo.

HINGA
Written by: Davey Langit and Therese Villarante
Arranged by: Marlon Barnuevo
Videography by Stephen ViƱas and Mikko Angeles
Produced by Davey Langit and M-Flix 2021


"Hinga" Lyrics:

Romeo Vidal, bente siyete anyos
Nars sa ospital, taga Malolos
Katawan ko ay pagal at sobra nang tagal
Mula nang huli kong mayakap ang aking mama’t papa
Dito ay wala nang kama
Nagkakaubusan ng kwarto sobra ng puno
Oras-oras may tinatakbong bagong kaso
Pila-pilang sasakyan
Mga pasyente na walang mapaglagyan
Labing anim na oras na ‘ko dito
Walang pumapalit mga kasama ko, isa-isa nang nagkakasakit
Paano kung ako naman ang tamaan?
Paano kung hindi ko pala ito kayang labanan
Sa nasa itaas, nagmamakaawa na matapos na
Nakakapagod na, ayoko na
‘Di na ako makahinga

Hanggang kailan ba ang delubyo?
Pagod na pagod na ako
Kailan ba matatapos ‘tong delubyo?
Hanggang kailan ba ganito?

Gabriel Andrada, tatlumpu’t lima
Ahente sa umaga, sa gabi ay banda
Nagrerenta sa Maynila
Kasama ang asawa ko’t dalawa naming anak
Nung wala pa ‘tong delubyo
Ang hirap nang pagtagpuin ng dulo’t dulo
Kahit pagsamahin pa ang aming sweldong mag-asawa
Minsan sapat, madalas pa rin salat
Biglang nagkaganyan hindi ko napaghandaan
Biglang walang mabenta, biglang walang matugtugan
Ang dati nang mahirap, mas humirap pa
Kahit anong diskarte ang gawin ko, nagkukulang talaga
Paano kung hindi na tayo bumalik sa dati?
Paano ang pamilya kong batbat ng dalamhati
Sa nasa itaas, parang awa na
Nakakapagod na, ayoko na
‘Di na ako makahinga

Hanggang kailan ba ang delubyo?
Pagod na pagod na ako
Kailan ba matatapos ‘tong delubyo?
Hanggang kailan ba ganito?

Albert Domingo, singkwenta’y kwatro
Positibo
Hindi ko alam paano ko nakuha ‘to
Nag-ingat naman ako
Ang huling naaalala ko namili kaming pagkain
Gayun na rin lahat ng pwede naming kailanganin
Ilang araw lang lumipas, nilagnat ng alanganin, naghahabol ng hangin
Itakbo nyo na ako! Kahapon lang mapayapang nasa bahay
Ngayon isang tangke sa paghinga’y umaalalay
Naisip ko pamilya ko, kailangan pa nila ako
Buntis pa ang panganay ko sa una kong apo
Natatakot na ako
Paano kung hindi ko na mayakap ang asawa ko?
Sa nasa itaas, pahingi pa sanang oras
Parang awa mo na, sige na
‘Di na ako makahinga

Hanggang kailan ba ang delubyo?
Pagod na pagod na ako
Kailan ba matatapos ‘tong delubyo?
Hanggang kailan ba ganito?

Post a Comment

0 Comments